Tanging lahat ba ng tao ay may angking karapatan para sa
kanilang sarili o sa lipunan? Nakikita ba natin na tayo ay malayang namumuhay
sa ating lipunan? Ako ba ay malaya? Ikaw, malaya ka rin ba? Marahil hindi lahat
ng tao ay nagkakaroon ng karapatan sa lipunan, tulad na lamang sa mga bading na
katulad ko. Kami ay dumadaan sa kalupitan at karahasan ng pang-aapi. Namumuhay
kami dito sa mundo na may halong sakit sa aming mga damdamin dulot ng pang-aapi
sa aming kasarian. Anu ba ang turing nila sa amin? Kami ba ay mga salot lamang
sa lipunan? May ginawa ba kaming masama upang pahiyain nila kami sa harap ng
lipunan?
Ang pang-aapi sa amin ay hindi lamang isang isyung pwedeng
pabayaan at kalimutan. Ang isyung ito ay kailangan bigyan pansin at dapat
talakayin ng maigi. Tulad na lamang sa sinabi ng United Nations (UN)
Secretary-General Ban Ki-moon (sa http://www.gmanetwork.com/news/), ang isyu ng
pang-aapi ay isang paglabag sa karapantang pantao, isang moral na kabalbalan at
isang pampublikong krisis ukol sa kalusugan. Kung susuriin natin ang isyung
ito, kailangan talagang tigilin na ang pang-aapi at karahasan sa mga
homoseksuwal. Hindi lang karapatan namin ang nawawala bagkus pati na rin ang
buhay ng ibang kabataan ay nawawala. Ito mismo ay dahil sa pang-aapi sa loob ng
eskwelahan o mismong sa labas ng eskwelahan. Setyembre ng taong ito, may isang
bata na nagngangalang “Jamey Rodemeyer” ang nagpakamatay dulot ng pang-aapi sa
mga bading at kamuhian sa kanyang kasarian. Sinabi pa ni Jamey na "I
always say how bullied I am, but no one listens. What do I have to do so people
will listen to me?" Ilang buhay pa ba ang gusto nilang mawala? Ilang buhay
pa ba ang gusto nilang kamuhian, saktan at bigyan ng karasahan? Karapatan lang
naman ng mga homoseksuwal sa lipunan ang gusto kong makuha mula sa mamamayan.
Kaming mga homoseksuwal ay tao rin. Hindi kami hayop ni hindi kami isang basura na pwedeng itapon lamang kahit
saan. Ang karapatan ng bawat tao ay hindi nahahati sa dalawa o sa isang
kasarian. Ito ay sumasaklaw sa buong tao sa mundo. Tanging ang karapatan para
sa homoseksuwal at karapatang pantao ay hindi naaiba ngunit ito ay iisa lamang
at pareho ang layunin.
Saludo ako sa opisyales ng pamahalaan na sumusuporta sa
pagmumungkahi ng karapatan naming mga homoseksuwal. Tulad na lamang ng U.S.
Secretary of State Hillary Clinton ( sa http://www.christianpost.com/news) na
sinabing “…I am talking about gay, lesbian, bisexual, and transgender people,
human beings born free and given bestowed equality and dignity, who have a
right to claim that, which is now one of the remaining human rights challenges
of our time.” Sana mula sa mga sinabi ng mga opisyales ng pamahalaan, mga hepe
ng pangdaigdigang organisyason at mga homoseksuwal na nagluluksa ay mabuksan na
ang mga mata ng mga nag-aapi at tapusin na ang karahasang ito. Sadyang lahat ng
tao ay may karapatan mamuhay ng payapa at masaya. Hindi naman namin kailangan
ng ispesyal na pagturing sa amin ngunit ang gusto ko lang ay bigyan rin kaming
mga homoseksuwal ng karapatan na mamuhay na walang karahasan. Muli ako’y
sumusuporta sa paglalaban ng karapatan para sa mga homoseksuwal na katulad ko.
Sana ay mabigyan na ng importansya ang aming ipinaglalaban. Hinihiling ko na
sana ay matapos na ang pang-aapi sa mga homoseksuwal at sana wala nang bata ang
magpapakamatay dulot lamang ng pang-aapi sa kanyang kasarian.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento