Martes, Setyembre 18, 2012

Kamusta na ang ating Paliparan?

by Vincent Rell Gonzaga

                     Itinuturing na salamin ng isang bansa ang paliparan, dahil dito ang una at huling nakikita ng mga dayuhang turista, maging ng mga Pilipinong bakasyonista at OFW kung sila'y aalis o darating sa Pilipinas. Ang ating pangunahing paliparan, ang Ninoy Aquino International Airport o mas kilala bilang NAIA, kamusta na nga ba? Tila ito'y di nabibigyan ng kahalagahan ng mas nakakaraming Pilipino, pati na rin yata ng ating pamahalaan. Sa dami nga naman ng problemang kinakaharap ng ating bansa, ano ba ang pakialam sa mga paliparan, ni hindi nga lahat ng mga Pilipino ang nakapupunta o nakakagamit nito. Ngunit, hindi dapat ito ang ating mentalidad, sapagkat ang paliparan ay isa ring imahen ng ating bansa.

                    May apat na passenger terminals ang NAIA at ang Terminal 1 ang pinakasikat, 'di dahil naging parte ito ng ating kasaysayan kung saan dito napaslang si Benigno "Ninoy" Aquino Jr. nang siya ay bumalik mula sa Amerika noon 1983, kundi dahil sa binansagan itong Worst Airport in Asia at pang-5 sa buong daigdig ng sleepinginairports.net, isang airport review website na kung saan ay nagpopost ang mga blogger sa kanilang mga karanasan sa mga paliparan sa buong mundo. Ayon sa kanila, ang NAIA Terminal 1 ay tila napag-iwanan na ng panahon; luma na ang mga nakapahaba ng mga linya kung ikaw ay nasa check-in lobby, immigrations at sa customs area, na nagiging perwisyo at 'di komportable sa mga biyaherong dayuhan at lamang sa aspeto ng imprastraktura ang nirereklamo ng mga frequent-flyer, maging sa loob kahit saan; sa departure o arrival area man ay naroroon ang mga ekstorsyonista, kahit sino na lang ang mangingikil sa iyo at ang ilan sa kanila, diumano ay mga empleyado sa nasabing paliparan. masakit mang isipin na sa mismong paliparan ay laganap din ang "kanser" na ito na sa akala natin ay sa lipunan lang makikita. Akalain niyong nagbabayad pa ang mga pasahero ng P750 para sa terminal fee at hindi pa kasama riyan ang travel tax. Saan kaya napupunta ang perang binabayad nila?
                 
                    At hindi lamang ito nagtatapos sa Terminal 1, maging sa 3 pang mga terminal ay may mga ulat din ng katiwalian ngunit 'di nga lang kasing lala. Tumungo naman tayo sa tinaguriang pinakabago, pinakamoderno, pinakamalaki at pinakakontrobersyal na proyekto ng pamahalaan, partikular sa mga paliparan, ang $649 million na NAIA Terminal 3. Sinumulan ang konstruksyon nito noon pang 1997 at nakaiskedyul na sanang buksan noong 2002, ngunit hindi ito natuloy dahil nasangkot ang ating pamahalaan sa mga legal na alitan, red tape, paglilitis ng mga kaso sa Estados Unidos at Singapore, pati na rin sa mga teknikal at mga alalahanin sa kaligtasan. Minsan nga itong tinawag na "white elephant" dahil baka hindi na ito kailan man magagamit ng publiko at masasayang lang ang napakalaking halagang ginastos ng ating pamahalaan at mga kontraktor. Matapos ang mga paglilitis ng Kataas-taasang Hukuman ay napagdesisyonan ng buksan sa publiko ang nasabing terminal noon 2008 na maka-ilang ulit ng naantala sa loob ng anim na taon.

                   Kung ihahambing natin ang ating mga paliparan sa ibang airports sa buong mundo, kaya ba nating makipagsabayan? Ikumpara natin ang NAIA sa Changi Airport ng Singapore na tinaguriang best airport, hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo, isang maliit na bansa na may 5 milyong populasyon lamang ay nahigitan pa ang isang bansang mas malaki at may mahigit na 90 milyong mamamayan. Bakit kaya ganoon na lang kaganda at kamoderno ang kanilang paliparan? Siguro ay pinapahalagahan ito ng kanilang gobyerno at napupunta ang pondo sa tamang patutunguhan. Ang Thailand nga na kasabay lang ng Pilipinas noon ay napag-iwanan na tayo ngayon sa larangan sa kalidad ng paliparan at abyasyon.

                   Batay nga sa mga pagsasalarawang ito, totoo nga na salamin ng isang bansa ang mga paliparan. Sabi nga nila, ito ang first impression ng mga turista o bisitang dayuhan sa Pilipinas. Kung gayon, ito ba ay katanggap-tanggap para sa ating mga Pilipino? Ang maituringang low class, tialit at mapagtawanan sa kalidad ng ating mga paliparan na nagsisilbi sanang mukha ng Pilipinas sa buong mundo. Kayo na mismo ag huhsga, makilahok ang makialam dahil ang sa akin lang, ano kaya ang imaheng ipinapakita ng paliparang ipinangalan kay Ninoy sa administrasyon ni PNoy?

1 komento:

  1. Napakahusay na oberbasyon bilang isang estudyante at mamamayang Pilipino. Sana'y maibahagi pa ito sa mas maraming tao.

    TumugonBurahin